Ang susunod na pag-aaral na tatalakayin natin sa babasahing ito ay tumutukoy sa pagkakatatag ng Iglesia ng ating Panginoong Hesus. Mahalagang maunawaan natin kung kalian at kaninong kapamahalaan naitatag ang Iglesia ng ating Panginoong Hesus upang ito ay maihiwalay natin sa mga ahensiya sa Lumang Tipan at gayundin sa mga relihiyosong institusyon sa modernong panahong ito na itinatag ng mga tao.
Mula sa mga sulat na mababasa natin sa mga talata ng Isaias 2:2-3 at Micah 4:1-2 ating mauunawaan na hinulaan ng mga manunulat nito na ang Iglesia o kaharian ay matatatag sa mga huling araw, sa lugar ng Jerusalem, at ang mga huling araw na tinutukoy ay magaganap sa panahon ng Bagong Tipan (Hebreo 1:1-2; Mga Gawa 2:16-17). Sa mga talata ng Daniel 2:31-35 mababasa natin ang panaginip ni Nabucodonosor na kung saan ito ay naipaliwanag sa Daniel 2:36-45; ang paliwanag sa panaginip na iyon ay nahahati sa apat na kaharian: Una ang kaharian ng Babylonia na kumakatawan sa ulo na dalisay na ginto, ikalawa ay kaharian ng Medo-Persia na kinakatawan ng dibdib at mga bisig na pilak; ikatlo ang kaharian ng Macedonia na sinisimbolo ng tiyan at mga hitang tanso, at pang-apat ang kaharian ng Roma na kinakatawan ng mga binting bakal at paa na isang bahagi ay bakal at isang bahagi ay putik na luto. “Ito ang panaginip; at aming sasaysayin ang kahulugan niyaon sa harap ng hari. Ikaw, Oh hari, ay hari ng mga hari, na pinagbigyan ng Dios sa langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan, at ng kaluwalhatian; At alin mang tinatahanan ng mga anak ng mga tao, ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid ay ibinigay sa iyong kamay, at pinapagpuno ka sa kanilang lahat: ikaw ang ulo na ginto. At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang ikatlong kaharian na tanso na magpupuno sa buong lupa. At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal, palibhasa'y ang bakal ay nakadudurog at nakapagpapasuko ng lahat na bagay; at kung paanong dinidikdik ng bakal ang lahat ng ito, siya'y magkakaputolputol at madidikdik. At yamang iyong nakita na ang mga paa at mga daliri, ang isang bahagi ay putik na luto ng magpapalyok, at ang isang bahagi ay bakal, ay magiging kahariang hati; nguni't magkakaroon yaon ng kalakasan ng bakal, yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahalo sa putik na luto. At kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay putik, magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay, at isang bahagi ay marupok. At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila'y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni't hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik. At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man. Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat. (Daniel 2:36-45)”.
Ang Bagong Tipan ay nagsimula habang ang Caesar ang siyang namumuno sa mundo. Sa mga panahong iyon ay dumating si Juan Bautista na nangangaral sa ilang ng Judea na nagsasabing, mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit (Mateo 3:1-2). Ang Iglesia ni Cristo ay hindi itinatag ni Juan Bautista sapagka’t ipinangaral niya na “ang kaharian ay malapit na”; nangangahulugang si Juan Bautista ay wala sa kaharian (Mateo 3:1-2; Mateo 11:11).
Ang Iglesia ay hindi rin naitatag sa panahong si Hesus ay kasa-kasama ng mga apostol, sa panahon ng Kanyang pangangaral, kundi sa hinaharap na pinatutunayan ng mga sumusunod na mga kadahilanan: 1) si Hesus ay nagwika na ang kaharian ng Dios ay malapit na (Marcos 1:15), 2) ipinangaral din ng mga apostol ang nalalapit na kaharian (Mateo 10:7), 3) itinuro din ng mga alagad na marapat na ito’y ipanalangin (Mateo 6:9-10), 4) ipinangako ni Hesus na ito’y itatayo niya (Mateo 16:18-19), 5) ipinangako ni Hesus na ito ay maitatatag sa henerasyong iyon (Marcos 9:1), 6) makikita natin ang pag-antabay ng mga alagad sa pagdarating nito (Lucas 22:18; 19:11; Marcos 15:43), at 7) sa panahong si Hesus ay pumailanlang paitaas sa langit ay nananatiling hinihintay pa rin nila ang pagdating ng kaharian (Mga Gawa 1:6).
Sa mga talata ng Isaias 2:2-3 isinasaad na ang kaharian o bahay ng Dios ay matatatag sa Jerusalem. Ang hulang ito ni propeta Isaias ay makikita nating nagkaroon nang katuparan sa unang araw ng Pentecostes na mababasa natin sa libro ng Mga Gawa 2. Sinabi ni Hesus na ang kaharian ay darating na may kapangyarihan, at ang kapangyarihang iyon ay dumating kasama ng Espiritu Santo; ang Espiritu Santo ay dumating noong araw ng Pentecostes kung kaya’t masasabi nating ang kaharian ay dumating noon araw ng Pentecostes (Marcos 9:1; Mga Gawa 1:8; Mga Gawa 2:1-4). Ang kautusan ay lalabas sa Jerusalem ayon sa Isaias 2:2-3; ang mga apostol ay inatasang mangaral (Mateo 28:18-20; Marcos 16:15-16) ngunit sila rin ay napagsabihang maghintay sa Jerusalem sa pagdating ng Espiritu Santo na Siyang gagabay sa kanila (Lukas 24:49). Sa atin ngang patuloy na pananaliksik mababasa nating ang Espiritu Santo ng at pangangaral ng Ebanghelyo ay dumating nang araw ng Pentecostes at gayundin ang kautusan ng kaharian ay nagsimula sa panahonh yaon (Mga Gawa 2:31-34, 36-38). Opo mga kaibigan, ang Iglesia n gating Panginoon Hesus o Kaharian ay natatag noong araw ng Pentecostes kung kaya’t pagkatapos ng araw ng Pentecostes mababasa natin ang patuloy na pagpapahayag na ang Iglesia o kaharian ay tunay na naitatag na (Mga Gawa 2:47; 5:11; 8:1; 11:22; 13:1; 14:27; Colossians 1:13; Revelation 1:9).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment