Sa gagawin nating pagsaliksik sa aralin natin ngayon ating aalamin ang kahalagahan ng pagiging kasapi ng tunay na Iglesia n gating Panginoong Hesucristo. Katotohanan na ang Iglesia ng ating Panginoon ay mayroong dapat na kalagyan sa ating mga puso ngunit ito ay kadalasang niwawalang bahala ng mga tao hanggang sa lubos nilang maunawaan na kapag ang tao ay nananatili sa labas ng Iglesia ay hinahayaan nilang makahulagpos ang dakilang kaligtasan na ipinagkaloob sa atin ng ating Dios at ang pag-asa ng buhay na walang hanggan. Ang iglesia ay tunay na higit na mahalaga kahit sa anumang institusyon na likha ng tao dahil sa mga sumusunod na kadahilanan.
Una, ang Dios ang nagtayo kung kaya’t ito ay banal (Hebrews 3:4). Ang iglesia ay tinutukoy na Templo ng Dios at siyang tahanan Niya (1 Corinthians 3:16; Ephesians 2:19-22). Dapat din nating maunawaan na ang iglesiang ito na ating tinutukoy ay itinayo ng ating Panginoong Hesus nang naaayon sa kagustuhan ng Dios (Matthew 16:18-20; Hebrews 8:1-5). Kung kaya’t ang tao ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo sapagka’t nasusulat na “Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo…” at hindi kinikilala ng Dios ang anumang hindi Niya pag-aari (1 Corinthians 3:10-15; Psalms 127:1; Matthew 15:13).
Ikalawa, maliwanag na ipinahahayag ng mga banal na salitang naipagkaloob sa atin, na ating matutunghayan sa Bibliya, na si Cristo and Tagapagligtas at Pangulo ng Iglesia. Anong sarap panghawakan ng isang pag-asa na nagsasaad na mayroong isang pangulo na siyang magliligtas sa bawat tatalima at mananahan sa tunay na Iglesia. Nais kong maging kasapi ng Iglesia ni Cristo sapagka’t ipinagkaloob ni Cristo ang Kanyang sariling buhay para dito (Ephesians 5:25-27). Siya rin ang isinasaad ng Bibliya na tagapagligtas ng katawan, na ang katawang ito na tinutukoy ay ang Iglesiang Kanyang itinatag (Ephesians 5:23, Ephesians 1:22-23). Si Cristo rin ang siyang Pangulo ng katawan, “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia…” (Colossians 1:18; Ephesians 1:22). Para sa mga kasapi ng Kanyang Iglesia, si Cristo ang Siyang kumakatawan sa kanila sa langit, siya ang tagapamagitan nila sa Ama (Hebrews 10:19-25; 1 John 2:1-2).
Ikatlo, ang Iglesia ng ating Panginoong Hesus ay nagtataglay ng isang maluwalhating misyon. Ang Iglesiang ito ay tumatakbo sa disenyong naglalayong magligtas ng mga kaluluwa sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo ni Cristo sapagka’t ang Iglesia ay itinuturing ding “haligi at suhay ng katotohanan” (1 Timothy 3:14-15). Sa Iglesia din nagmumula ang mga mangangaral na naghahatid ng magandang balita sa mga nais makaalam ng katotohanan at nagnanais magsitawag sa pangalan ng Panginoon para sa kanilang kaligtasan (Romans 10:11-15; Acts 13:1-3). Sa pamamagitan din ng Iglesia ay naipapakilala ang kapuspusan ng karunungan ng Dios; at dito rin natin naibibigay an gating karampatang pagluwalhati sa Kanya (Ephesians 3:10, 21).
Bilang panghuli, lahat ng mga pagpapalang ukol sa espiritu ay matatagpuan natin sa loob ng Iglesia lamang sapagka’t ang Iglesia ay siyang “…kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat” (Ephesians 1:23). Lahat ng pagpapalang ukol sa espiritu ay nakay Cristo, ang katawan ni Cristo at ang Iglesia ay iisa, si Cristo at ang Iglesia ay hindi maitatwang pinag-isa; samakatuwid sa pamamagitan ng Iglesia ay matatamasa natin ang lahat ng pagpapalang ukol sa espiritu na ipinagkakaloob sa atin ni Hesucristo (Ephesians 1:3; Ephesians 1:22-23; Colossians 1:18; Ephesians 5:28-32). Tayo rin ay pinapagkasundo sa Dios sa loob ng katawan ni Cristo, na siyang Iglesia: “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan. Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya; At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan.” (Ephesians 2:16; Colossians 1: 18-20).
Para sa kaligtasan ng bawat tao, hinubad ni Cristo ang pagiging Dios Niya, nag-anyong alipin at nakipamuhay sa mga tao, nangakong itatayo ang Kanyang Iglesia, naipako at namatay sa krus para sa pagkakasala ng mga tao, muling nabuhay pagkalipas ng ikatlong araw, pumailanlang sa kalangitan at umupo sa kanan ng Ama na may pangakong Siya ay muling magbabalik upang kunin ang Kanyang pag-aari (Philippians 2:5-9; Matthew 16:18; John 14:1-3). Sa muling pagbabalik ni Cristo tayo nga ba ay masasabi ba nating tayo ay kasama sa Kanyang mga pag-aari? Tayo nga ba ay naidagdag na sa Kanyang Iglesia? Kung sakaling hindi pa, ito ang payo ng Bibliya; “At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.” (Acts 22:16). Tayong lahat ay maaaring makapasok sa loob ng Iglesia ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga kundisyon at mga prosesong ipinangaral at ginawa ng mga apostol: “…Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo (Galatians 3:26-27)”. Lubos nating pakatandaan na tanging ang ating Panginoon lamang ang Siyang maaaring magdagdag sa atin sa loob ng Kanyang Iglesia: “Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin? At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo… Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa… At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas. (Acts 2:37-47)”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment