Ang Dios ang gumagawa ng pagliligtas. Ang kaligtasan ang paglimot at pagpapatawad ng Dios – ang “pagpawi” sa ating mga kasalanan. Ang Iglesia, samakatuwid, ay hindi siyang nagkakaloob ng kaligtasan. Ang tanong ay, maari bang matamasa ng isang indibidwal ang kaligtasang ipinagkaloob ng Dios kahit siya ay nasa labas ng Iglesia ng Ating Panginoon?
Ayon sa mga nasusulat sa banal na kasulatan o sa Bibliya, ang kahalagahan ng Iglesia ay makikita natin sa uri ng pagtratong inukol ni Hesus dito. Ang Iglesia ay lubos niyang iniibig kung kaya’t ito’y kanyang tinubos, “Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo:” (Acts 20:28; 1 Peter 1:18-19). Ang dugo ng ating Panginoon, ang dalisay Niyang dugo na siyang umagos sa krus ng Kanyang kamatayan ang siyang naging katubusan ng Iglesia para sa ikaliligtas natin. At dahil din sa pag-ibig Niya sa Iglesia kung kaya’t nagawa Niyang ipagkaloob ang Kanyang sariling buhay, “…gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;” (Ephesians 5:25). Sa mga pagpapasakit na ito ng ating Panginoong Hesus sa Iglesia ating lubos na mauunawaan na ito ay tunay na mahalaga.
Tahasang itinuturo ng Bibliya na hindi maaaring sabihin ng isang indibidwal na siya ay nakay Cristo habang siya’y nananatili sa labas ng Iglesia. Si Cristo ang Ulo, ang Iglesia ang Kanyang katawan, ang mga Kristiayano ang mga kumakatawan (Colossians 1:18; Ephesians 1:22-23; 1 Corinthians 12:27). Ang isang indibidwal ay hindi maaaring mapag-isa sa Ulo nang hindi nagiging kasapi ng katawan na siyang Iglesia. Si Cristo ang Hari at ang Iglesia ang Kaniyang kaharian (1 Timothy 6:15; Colossians 1:13). Ang isang indibidwal ay hindi maaaring maging tagasunod ng Hari hangga’t ito ay hindi nagiging mamamayan ng kaharian. Si Cristo ang asawang lalake at ang Iglesia naman ang asawang babae (Ephesians 5:23-32). Ang dalawa ay iisa. Ang isang indibidwal ay hindi maaring magkaroon ng relasyon kay Cristo nang hindi nagkakaroon ng kaparehong relasyon sa Iglesia. Ito ay kahalintulad ng isang sanggol na naipanganak na kung saan tahasang masasabi na ang sanggol ay parehong bunga ng kanyang ama at ina. Upang masabi nating tayo ay nakay Cristo kinakailangan nating maging kaanib sa Kanyang katawan, na siyang Iglesia. “Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo… At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit” (Ephesians 2:13; Ephesians 2:16). Sa madaling salita, upang tayo ay maging nakay Cristo, kinakailangang tayo ay nasa Kanyang katawan, at kapag tayo ay nasa Kanyang katawan nangangahulugan na tayo ay nasa Kanyang Iglesia.
Lahat ng pagpapalang ukol sa espiritu ay nakay Cristo Hesus (Ephesians 1:3). Ang Iglesia ay siyang kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat (Ephesians 1:23). Ang pagiging kasapi ng Iglesia ng ating Panginoong si Hesus ay nangangahulugan ng pagpapatala natin ng ating pangalan sa langit, “Datapuwa't nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel, Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal” (Hebrews 12:22, 23). Kapag ang ating pangalan ay hindi nakatala sa langit ito ay nangangahulugan ng habang panahong pagkabulid sa dagatdagatang apoy (Revelation 20:15).
Ang mga proseso at mga kondisyon na nagliligtas buhat sa pagkakasala ay siya ring kinakailangan ng isang indibidwal upang ito ay maging Kristiyano at maidagdag sa Iglesia. “At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan… Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo… Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa… Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas” (Mark 16:15-16; Galatians 3:26-27; Acts 2:41). Ayon sa Bibliya: ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; sa pamamagitan ng pananampalataya at bautismo ay ibinibihis natin si Cristo; ang nananampalataya at nabautismuhan ay idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia.
Ulitin po natin, upang masabi nating tayo ay nakay Cristo, kinakailangang tayo ay nasa Kanyang katawan, at kapag tayo ay nasa Kanyang katawan nangangahulugan na tayo ay nasa Kanyang Iglesia. Opo, napakahalaga pong maging kasapi ng Iglesia sapagka’t atin laman makakamtan ang kaligtasang ipinagkaloob ng Dios kapag tayo ay kasapi ng Iglesia, “gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Ephesians 5:23).
Thursday, May 7, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment